MANILA, Philippines – Apat na local track and field athletes ang balak ng PATAFA na bigyan ng pagsasanay sa US para mapaganda ang mga tsansa na pumasok sa Rio Olympics sa susunod na taon.
Ayon kay PATAFA secretary-general Renato Unso, ang dating SEA Games long jump queen na sina Marestella Torres, marathoner Mary Joy Tabal, pole vaulter Ernest John Obiena at Edgardo Alejan ang mga isasama sa mga Fil-Americans na sina Eric Cray at Kayla Richardson upang mabigyan ng mas matinding pagsasanay sa US na tatagal sa loob ng tatlong buwan.
“Nag-communicate na kami kay Dick Beardsley para hanapan kung saan ang perfect place para makapag-ensayo ang mga atleta natin. Sana by August ay magsimula na ang training para mapaghandaan ang mga qualifying for the Rio Olympics,” wika ni Unso.
Si Beardsley ay isa sa dalawang foreign consultant ng PATAFA. Ang isa ay si Bill Schnier.
Ang mga pinangalanang atleta ay magkakaroon ng mga sponsors para tumulong sa magiging gastusin sa pagsasanay.
Si Alejan na bihasa sa 400m event ay nasama dahil may gustong sumuporta sa kanya. Ngunit hindi na siya sa 400m tatakbo kungdi sa 800-meters na lamang.
“May alam sa athletics ang gustong sumuporta kay Alejan at sinabi niya na kung 47 pa rin ang magiging oras niya sa 400m ay hindi na mananalo ito ng medalya sa susunod na SEAG. Kaya mas mabuting sa 800m na siya tumakbo at ngayon pa lamang ay mag-concentrate na siya sa middle distance,” paliwanag ni Unso.
Sa kasalukuyan ay si Cray pa lamang ang nag-iisang atleta ng Pilipinas na nakapasok na sa Rio Olympics at tiniyak pa ni Unso na ginagawa ng asosasyong pinamumunuan ni Philip Ella Juico na maibigay ang lahat ng kanyang pangangailangan para sa hangaring medalya sa Olympics.
“Nagsabi siya sa PATAFA na balak niyang huminto sa pagtatrabaho para makapag-concentrate siya sa training for the Olympics. Pero kailangang maibigay sa kanya ang kinikita niya at ito ngayon ang hinahanapan ng solusyon,” dagdag pa ng PATAFA official.
Si Cray ay isang double-gold medalist sa idinaos na Singapore SEAG nang nagwagi siya sa paboritong 400m hurdles at sa 100m sprint. (AT)