MANILA, Philippines – Muling lalaban si Floyd Mayweather Jr. sa Setyembre 12 matapos talunin si Manny Pacquiao noong Mayo 2.
Sinabi kahapon ni Stephen Espinoza, ang executive vice president at general manager ng Showtime Sports na may karapatang magpalabas ng mga laban ni Mayweather, na posibleng hindi na mangyari ang rematch ng American fighter kay Pacquiao.
Ayon kay Espinoza, balak na ng 38-anyos na si Mayweather na tuluyan nang isabit ang kanyang boxing gloves.
“There is not a shred of truth in all of these reports about an extension being negotiated. From every conversation the two sides have had, Mayweather is sticking to his guns – for the moment – that September 12th will be his final pro-fight,” wika ng Showtime official.
Sa Setyembre ang huling laban ng world five-division titlist na si Mayweather sa kanyang kontrata sa Showtime Sports.
Sa susunod na taon naman muling babalik sa aksyon ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao matapos sumailalim sa surgery dahil sa kanyang right shoulder injury na nangyari sa kasagsagan ng kanilang upakan ni Mayweather.
Isa si welterweight contender Andre Berto sa naunang nabanggit ng kampo ni Mayweather, hangad na magretiro tangay ang perpektong 49-0 record.
Umaasa si Espinoza na lalaban pa si Mayweather sa 2016 sa pagpirma ng bagong kontrata sa Showtime Sports.
“We have a great relationship with Floyd. Our deal has been very successful for him and very successful for us. We've done five fights and generated nearly 10 million pay-per-view buys,” ani Espinoza.
Nauna nang sinabi ni Mayweather na magreretiro na siya matapos patulugin si Ricky Hatton noong 2007.
Matapos ang 21 buwan ay nagbalik si Mayweather at tinalo si Juan Manuel Marquez.