MANILA, Philippines – Naipakita rin ng Philips Gold Lady Slammers ang lakas ng koponan nang manaig sa Mane ‘N Tail Lady Stallions, 25-19, 27-25, 25-16, sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference noong Lunes ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Nasukat ang tibay ng Lady Slammers sa ikalawang set na kanila ring naipanalo para mapagningning ang unang panalo matapos ang tatlong laro sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
“I told the players to just enjoy this game. Nag-adjust din ako sa rotation ko at sinabi ko sa kanila na ipasok lang ang kanilang mga service,” wika ni Philips Gold coach Francis Vicente.
Ito ang unang panalo ni Vicente matapos ang 16 sunod na pagkatalo, kasama rito ang 0-14 marka sa UAAP bitbit ang koponan ng UE Lady Warriors.
Si Myla Pablo ay may 14 puntos, tampok ang 12 kills, at sina Rossan Fajardo at Michelle Gumabao ay may tig-10 puntos.