Mas mainit ang semis wars ng Purefoods, Talk ‘N Text
MANILA, Philippines – Sa kanilang unang paghaharap noong Marso 14 ay nagsalpak si import Denzel Bowles ng winning jumper para sa 118-117 triple¡ overtime ng nagdedepensang Purefoods kontra sa Talk ‘N Text.
Inaasahan ni head coach Tim Cone na mas magiging mabigat ang kanilang best-of-five semifinals series para sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Maglalaban ang Hotshots at Tropang Texters sa Game One ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mabilis na pinatalsik ng Talk ‘N Text ni mentor Jong Uichico ang Barako Bull, 127-97 sa kanilang quarterfinals match-up.
Winalis naman ng Pure-foods ang Alaska, 120-86 at 96-89 sa kanilang best-of-three quarterfinals showdown para umabante sa semifinals series.
Ayon kay Uichico, ibang antas na ng kompetisyon ang matutunghayan sa semifinals.
Sina Bowles, two-time PBA Most Valuable Player James Yap, Marc Pingris, Joe Devance, Mark Barroca at PJ Simon ang muling aasahan ng Hotshots.
“We just have to play defense, control the boards and stay with the shooters. I think we’ll have a great chance,” sabi ng 6-foot-9 na si Bowles.
Itatapat naman ng Tropang Texters sina reinforcement Ivan Johnson, Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Kelly Williams, Ryan Reyes at Larry Fonacier.
Samantala, dahil sa kabiguang makapasok sa semifinal round sa pang-limang sunod na komperensya, nagdesisyon ang Barangay Ginebra na hirangin si assistant coach Frankie Lim bilang bago nilang head coach.
Si Lim, pumalit kay Ato Agustin, ang pang-limang head coach ng Gin Kings sa nakaraang anim na torneo.
Sa pagpasok ni Lim sa Gin Kings ay ibinigay ng Ginebra sina Dylan Ababou at Fil-Canadian guard James Forrester sa Barako Bull kapalit ng 2015 first round pick.
- Latest