CLEVELAND – Hindi nakakuha ang Cleveland Cavaliers ng style points para sa kanilang 87-86 panalo laban sa Philadelphia 76ers.
At balewala ito kay LeBron James.
Ang pag-angat ng 2 1/2 games sa Chicago Bulls para sa second place sa Eastern Conference ang mas mahalaga para kay James, pinamunuan ang Cleveland sa kanyang 20 points.
“You find a way to win,” sabi ni James sa Cavaliers na nakamit ang kanilang ika-16 sunod na home victory sa kabila ng kabiguang makaiskor sa huling 4:04 minuto ng laro.
Nabigo ang Cavaliers, naglaro ng 14 sa kanilang 19 games sa road, na iwanan ang 76ers na may third-worst record sa liga.
Hindi mag-eensayo ang Cavaliers, hindi rin nakuha ang serbisyo nina Kevin Love (back injury) at Iman Shumpert (left ankle injury), hanggang Miyerkules bago labanan ang Miami sa Huwebes.
Ang basket ni Timofey Mozgov ang nagbigay sa Cleveland ng 87-83 abante sa huling 4:04 minuto at hindi na muling nakaiskor kasunod ang pagdikit ng 76ers sa 86-87.
Nagmintis si Kyrie Irving para sa Cleveland at tumawag ng timeout ang Philadelphia sa natitirang 8.5 segundo para sa kanilang last shot.
Tumalbog naman ang tira ni Nerlens Noel sa posesyon ng 76ers kasunod ang rebound ni Tristan Thompson para sa Cavaliers.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Houston ang Washington, 99-91; pinatumba ng New Orleans ang Minnesota, 110-88; tinakasan ng Miami ang Detroit, 109-102; dinaig ng San Antonio ang Memphis 103-89 at binigo ng Indiana ang Dallas, 104-99.