Masamang panimula nais kalimutan ng Hapee
Laro Ngayon JCSGO Gym
11 a.m. Tanduay Light vs AMA University
1p.m. ATC Liver Marin vs Hapee
MANILA, Philippines – Pagtatangkaan ng Hapee ang makabalikwas mula sa di magandang panimula sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa JCSGO Gym, Cubao, Quezon City.
Katunggali ng Hapee ang baguhang ATC Liver Marin sa tampok na laro na magsisimula matapos ang unang pagtutuos ng Tanduay Light at AMA University sa alas-11 ng umaga.
Galing ang Titans mula sa 70-75 pagkatalo sa Cagayan Valley Rising Suns sa huling asignatura sa larong nakitaan si Jay-R Taganas ng paghablot ng 29 rebounds.
“Jay-R has been our consistent player. He’s not a big time scorer by he helps the team with his rebounding,” wika ni Titans coach Mark Herrera.
Sa kabilang banda, ang Rhum Masters ay mangangailangan ng magandang teamwork para maiangat ang karta na nasa 1-1.
Ang Aspirants’ Cup champion Hapee ay may 0-1 baraha at tiyak na magpupursigi para makuha ang unang panalo upang hindi malagay sa huling puwesto.
Nangapa ang Fresh Fighters sa kanilang dating bangis dahil nawala sa koponan ang mga kamador ng San Beda sa pangunguna ni Ola Adeogun.
Ang Red Lions ay magsisimula na ng paghahanda para sa 91st NCAA season.
Sina Earl Scottie Thompson, Troy Rosario at Chris Newsome ang mga mangunguna sa koponan ni coach Ronnie Magsanoc sa hangaring itulak pa sa ilalim ang Liver Marin. (AT)
- Latest