MILWAUKEE – Tuluyan nang inangkin ng Golden State Warriors ang top seed sa Western Conference matapos talunin ang Milwaukee Bucks, 108-95.
Nagsalpak si guard Stephen Curry ng 25 points, habang nag-ambag si Klay Thompson ng 21 para sa Golden State, nagposte ng bagong franchise record sa kanilang pang-60 panalo sa season.
Hawak ng Warriors ang 10-game lead laban sa second-place Memphis Grizzlies sa West sa huling siyam na laro sa regular season.
Pinamunuan naman ni Khris Middleton ang Bucks sa kanyang 14 points.
Pinuwersa ng Bucks ang Warriors sa 22 turnovers, ngunit wala silang mga shooters na kagaya nina Curry at Thompson.
Sa Chicago, kumamada si Nikola Mirotic ng 24 points, habang humakot si Pau Gasol ng 19 points at 12 rebounds para pamunuan ang Chicago Bulls sa 111-80 pagdomina sa New York Knicks.
Ito ang pang-60 kabiguan ng Knicks para sa kanilang franchise record.
Sa Charlotte, tumipa si Kemba Walker ng 21 points at ginulat ng Hornets ang Atlanta Hawks, 115-100.
Ipinahinga ng Hawks ang kanilang mga starters na sina DeMarre Carroll, Kyle Korver, Al Horford at Paul Millsap.
Naupo si guard Jeff Teague dahil sa sprained ankle isang gabi matapos sikwatin ng Atlanta ang top seed sa Eastern Conference.
Naglista si Gerald Henderson ng 20 points mula sa 9-of-10 shooting, habang tumipa si Mo Williams ng apat na 3-pointers at tumapos na may 18 points para sa Hornets.