MANILA, Philippines – Nawalan man ng tatlong mahuhusay na manlalaro ay malaki pa rin ang pananalig ng pamunuan ng Instituto Estetico Manila (IEM) na magagawa nilang masungkit ang titulo sa kauna-unahang Spikers Turf na magbubukas sa Abril 5 sa The Arena sa San Juan City.
Ang Volley Masters ang unang hinirang na men’s volleyball champion sa Shakey’s V-League noong nakaraang conference pero nagdesisyon ang Sports Vision na ihiwalay ang liga para sa kalalakihan.
Tinalo ang Systema Active Smashers sa tatlong mahigpitang laro, hindi na makakasama ng IEM sina Renz Ordonez, Rudy Gatdula at Eden Canlas dahil maglalaro na ang mga ito sa Cagayan Valley.
Pero may sapat na puwersa pa si coach Ernesto Balubar dahil nasa koponan pa ang ibang sinasandalan na sina Jason Canlas, Karl Ian dela Calzada, Jeffrey Jimenez, Carlo Almaria at Michael Conde.
Isinama pa sa koponan sina Reyvic Cerilles, Evan Raymundo, Salvador Timbal, Guarenio, Gianan, Jophius Banag, Carlo Cabatingan, Ivan Bacolod, Areem Tamayo at Kirk Biliran.
Walong koponan ang magtatagisan para sa kampeonato sa ligang mapapanood mula alas-9 ng umaga tuwing Martes, Huwebes at Linggo.
Ang PTV-4 ang magsasaere ng laro sa delayed broadcast.
Ang iba pang palaban bukod sa IEM at Cagayan Valley ay ang Cignal, Air Force, Fourbees, Army, Ultera at Champion Infinity na dating Systema.
May puwersa pa ang Champion Infinity dahil babalik sa koponan sina Chris Macasaet, Chris Antonio, Syl Honrade at Richard Gomez.