MANILA, Philippines - Sinolo ng Cebuana Lhuillier ang liderato nang pabagsakin ang KeraMix, 95-88, sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sinabayan ito ng pagpapasikat ng MP Hotel nang naalpasan ang Cagayan Vallley, 107-106, sa ikalawang laro.
Bumangon ang Warriors mula sa 16 puntos pagkakalubog sa ikatlong yugto, 70-54, at nanalo nang naisalpak ni Rey Nambatac ang triple sabay tunog ng final buzzer.
May 24 puntos si Moala Tautuaa at 19 rito ay kanyang ginawa sa first half para bigyan ang Gems ng 55-25 kalamangan.
Nalimitahan sa second half ang 6’7 rookie center pero pumalit sina Simon Enciso, Paul Zamar at Allan Mangahas para umakyat pa sa 3-0 ang tropa ni coach David Zamar.
May 24 puntos si Enciso, 21 rito ay sa 3-pointers, habang sina Zamar at Mangahas ay naghatid ng 13 at 11 puntos.
Natapos ang dalawang magagandang panalo ng Mixers sa pangyayaring ito. (AT)