MANILA, Philippines – Ginulpi ni Floyd Mayweather Jr. si Zab Judah sa kanilang ensayo para paniwalaan ng mga humahawak sa pound-for-pound king na madodomina niya si Manny Pacquiao sa kanilang pinakahihintay na tapatan sa ring sa Mayo 2.
Si Judah ay kinuha para maka-spar ni Mayweather dahil isa itong kaliwete at magagaya niya ang istilo ng Pambansang Kamao sa kanilang pagsasanay.
“Everybody was just hyped because they thought Judah was going to be something different, but Judah was (beat down) worse than the other guys,” wika ng tiyuhin at trainer Jeff Mayweather sa Fightsaga.
Tiniyak din ng nakatatandang Mayweather na nasa kondisyon pa ang 37-anyos na si Judah dahil mayroon ring pinaghahandaang laban.
Hindi nakaporma ang boksingerong nanalo ng limang world titles mula sa light welterweight hanggang sa welterweight divisions, dahil talagang nakatuon ang isipan ng walang talong si Mayweather sa paggapi kay Pacquiao.
“Floyd is on a different level right now. It may be just his mind and all the bullsh*t he’s been dealing with Manny over the years. Obviously, he’s taken that in some kind of way, and I mean, he’s punishing these guys,” paliwanag pa ng nakatatandang Mayweather.
Tulad ni Mayweather, seryoso rin sa kanyang paghahanda si Pacman sa patnubay ng batikang trainer na si Freddie Roach.
Kinargahan pa ni Pacman ang motibasyon sa sarili para palasapin ng unang pagkatalo si Floyd ang pagnanais ng kanyang anak na babae na si Princess na daigin niya ito. (AT)