HOUSTON – Naglista si guard Eric Bledsoe ng career-high 34 points at nalampasan ng Phoenix Suns ang paghahamon ng Rockets sa fourth quarter para iposte ang 117-102 panalo.
Kumamada si Bledsoe ng 23 points sa halftime at binasag ang nauna niyang career best na 33 points mula sa isang free throw sa huling minuto ng fourth period.
Lumamang ang Phoenix ng 15 points sa kaagahan ng fourth quarter bago gumamit ang Houston ng 14-4 atake, ang 5 points ay mula kay Josh Smith, para makalapit sa 100-105 sa huling 5 minuto.
Nagmintis ng pitong tira ang Suns at may tatlong turnover na sinamantala ng Houston.
Isinalpak ni P.J. Tucker ang three-pointer para simulan ang 12-0 arangkada ng Suns na nagtulak sa kanila sa 117-100 abante.
Umiskor si Donatas Motiejunas ng 18 points at may 16 si James Harden matapos kumamada ng career-high 50 points sa kanilang panalo sa Denver Nuggets kamakailan.
Ang panalo ng Phoenix ang pumigil sa three-game winning streak ng Houston.
Nanatili rin ang Suns sa playoff hunt sa kanilang 37-33 card sa ilalim ng No. 8 Oklahoma City (39-30) at No. 9 New Orleans (37-32).
Sa Oakland, California, bumangon si Stephen Curry mula sa kanyang pinakamasamang shooting performance sa season at magsumite ng 24 points para akayin ang Golden State Warriors sa 106-91 panalo sa Utah Jazz.
Isang araw matapos maglista ng malamyang 4 of 17 shooting sa kanilang panalo sa New Orleans Pelicans, nagrehistro si Curry ng 8 of 18 laban sa depensa ng Utah.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Brooklyn Nets ang Indiana Pacers, 123-111; ginitla ng Detroit Pistons ang Chicago Bulls, 107-91; at binigo ng Memphis Grizzlies ang Phoenix Suns, 98-86.