STA. CRUZ, Laguna, Philippines -- Pinangatawanan ni Fil-American Caleb Stuart ang pagiging pambato ng bansa sa hammer throw event nang bumato ng 64.81m sa unang araw ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships kahapon sa Laguna Sports Complex dito.
Sa ikaapat na tapon kinamada ng 24-anyos na si Stuart ang marka na higit din sa 62.23m SEAG record na hawak ni Tantipong Phetchaiya ng Thailand.
Si Malaysian Jackie Wong Siew Cheer ay nagtala ng 63.71m na lampas din sa SEAG record upang paniwalaan na siya ang makakalaban ni Stuart sa Singapore Games.
Ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng isang linggo na hinigitan ni Stuart ang SEAG record sa hammer throw dahil noong nakaraang Biyernes sa Ben Brown Invitational sa US ay nagtala siya ng personal best na 68.66m.
“This is my first tournament outside US and I just want to throw the best I can,” wika ng 6’2 na si Stuart.
Ito na ang kanyang ikalawang ginto na una sa apat na araw na kompetisyon na inorganisa ng PATAFA at suportado ni Laguna Governor Ramil Hernandez at may ayuda ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang una ay nangyari sa shot put kahapon ng umaga sa 16.52m marka.
Tinalo niya ang Myanmar SEA Games silver medalist na si Adi Aliffuddin Hussin ng Malaysia na may 16.21m at national athlete na si Eliezer Sunang ng Housing Sector sa kinasang 16:05m.
Pero mangangailangan siyang mag-ensayo nang husto sa event na ito kung nais niyang manalo ng ginto sa SEAG dahil hindi siya umabot sa 16.85m bronze medal mark sa Myanmar.
“I’m happy I won but also frustrated because I could have thrown better. Issues with my technique I was not able to fix my technique,” paliwanag ni Stuart na ang personal best na 17.88m ay lampas sa SEAG record na 17.74m.
Sa simpleng opening ceremony ay nagpasalamat si Gobernador Hernandez sa oportunidad na ibinigay sa probinsya na makapag-host ng international competiton sa unang pagkakataon sa kanyang termino dahil mahalaga sa kanyang pamamahala ang matiyak na mahihilig sa sports ang mga nasasakupan. (ATan)