Bowles bumida uli, Hotshots iwinasiwas ang Energy
MANILA, Philippines – Naghatid uli ng solidong numero si Danzel Bowles habang ang bench ay nagpasiklab din para ibigay sa Purefoods Star ang 103-96 panalo laban sa Barako Bull sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos ang Best Import noong 2012 sa nasabing conference para sa nagdedepensang Purefoods taglay ang 34 puntos at 17 rebounds at 21 dito ay kanyang ibinuhos sa ikatlong yugto para makakawala ang koponan sa naunang mahigpitang labanan.
Sa pagdadala ng import na si Solomon Alabi at Chico Lanete ay nagawang makipagdikdikan ang Barako Bull upang magtabla ang dalawang koponan sa halftime sa 47-all.
May 7-of-10 shooting si Bowles sa ikatlong yugto para tulungan ang tropa ni coach Tim Cone na umiskor ng 34 puntos sa naturang yugto at bigyan ng 81-72 bentahe ang Hotshots.
Lumobo ito hanggang sa 18 puntos, 94-76, dahil na rin sa magandang suporta ng bench tulad nina Allein Maliksi at Mick Pennisi.
“Guys of the bench played well. That’s the kind of stuff that really helps you win in the playoffs,” wika ni Cone na nanggaling sa 118-117 triple-overtime out-of-town game panalo laban sa Talk N’Text Tropang Texters noong Linggo.
Ang mga shooters na sina James Yap at Peter June Simon ay nagtala lamang ng anim at tatlong puntos sa pinagsamang 4-of-12 shooting pero hindi naramdaman ito dahil gumawa sina Maliksi, Pennisi, Mark Barroca at Justin Melton ng 34 puntos.
Umakyat ang Purefoods sa 7-3 karta para manatiling nakakapit sa ikalawang puwesto.
May 29 puntos si Alabi habang 21 ang handog ni Lanete para sa Barako Bull na lumasap ng ikaanim na pagkatalo matapos ang 10 laro.
Purefoods 103 - Bowles 34, Devance 15, Maliksi 13, Pingris 8, Melton 8, Pennisi 7, Barroca 6, Yap 6, Simon 3, Malari 2, Taha 1.
Barako 96 - Alabi 29, Lanete 21, Intal 15, Mercado 14, Garcia 5, Pascual 4, Hubalde 4, Marcelo 4, Lastimosa 0, Matias 0, Salva 0.
Quarterscores: 19-24, 47-47, 81-72, 103-96.
- Latest