OKLAHOMA CITY— Itinala ni Russell Westbrook ang kanyang pang-anim na triple-double sa walong laro at umiskor ng 15 sa kanyang 29 points sa fourth quarter para tulungan ang Thunder sa 113-99 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.
Ipinahinga si Westbrook sa huling 2:13 minuto at isang rebound lamang ang kulang para makumpleto ang triple-double.
Ngunit ang scoring change ang nagbigay sa kanya ng ika-10 rebound niya para idagdag sa 12 assists.
May walong triple-doubles siya ngayong season at 16 sa kanyang career.
Sa Phoenix, nagsalpak ang Atlanta Hawks ng limang 3-pointers sa huling 6:38 minuto para iwanan ang Suns patungo sa 96-87 panalo.
Umiskor si Paul Millsap ng 23 points at may 14 si Kyle Korver para sa Eastern Conference-leading Hawks.
Umabante ang Phoenix ng 11 points sa third quarter at angat sa 73-65 papasok sa fourth period, ngunit nagsalpak sina Millsap at Korver ng dalawang tres at may isa si Kent Bazemore para tuluyang agawin ng Atlanta ang unahan at ang panalo.
Sa Denver, humakot si Kenneth Faried ng 24 points at 17 rebounds at tumipa si Randy Foye ng tatlong krusyal na 3-pointers para banderahan ang Denver Nuggets laban sa Golden State Warriors, 114-103.
Nauna nang tinalo ng Nuggets ang Hawks noong Miyerkules bago isinunod ang Warriors.
Ipinahinga ni Golden State coach Steve Kerr sina Stephen Curry, Klay Thompson, Andre Iguodala at Andrew Bogut.
Sa Toronto, naglista si Kyle Lowry ng 19 points, 8 rebounds, 8 assists at 7 steals para igiya ang Raptors sa 102-92 panalo laban sa Miami Heat.
Tinapos ng Raptors ang kanilang 16-game losing skid sa Heat.
Sa Dallas, umiskor si Chandler Parsons ng 22 points, habang kumolekta si Tyson Chandler ng 14 points at 12 rebounds para sa kanyang ika-26 double-double sa 129-99 paglampaso ng Mavericks sa Los Angeles Clippers.