16-0 sweep dale na kaya ng Ateneo?

Nagbunyi ang Lady Eagles sa pangunguna ng MVP at team captain na si Alyssa Valdez matapos kunin ang Game 1 laban sa Lady Spikers noong Miyerkules sa UAAP volleyball Finals. STAR/Joey Mendoza

Laro Ngayon

(Mall of Asia Arena,

Pasay City)

 3:30 p.m. La Salle

vs Ateneo

 

MANILA, Philippines - Ito na ba ang araw na makikilala ang Ateneo Lady Eagles bilang isa sa pinakamahusay na koponan sa UAAP women’s volleyball?

Sasagutin ang katanu­ngang ito sa pagharap uli ng nagdedepensang kampeon kontra sa karibal na La Salle Lady Spikers sa ganap na alas-3:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Umakyat sa 15-0 ang Lady Eagles nang kunin ang 25-18, 25-19, 25-19, panalo sa kulang sa taong Lady Spikers noong Miyerkules upang mangailangan na lamang na manalo uli para maging kauna-unahang koponan na winalis ang liga sapul nang ipinairal ang thrice-to-beat format sa championship round noong 2009.

Ang dating format ay gina­gawaran agad ng kampeonato ang koponan nakawalis sa double round elimination at ang natata­nging koponan na na­ka­gawa nito ay ang La Salle noong 2004.

 “We are one win to go and we are going for it,” deklarasyon ni team ma­nager Tony Boy Liao. “Nandyan na at gusto ng mga bata, they are for it.”

Ang pambatong si Alyssa Valdez ang inaasahang kakamada uli lalo pa’t inspirado ito na haharap sa laban dahil igagawad sa kanya ang ikalawang sunod na MVP award bago magsimula ang labanan.

“Marami pa kaming da­pat na gawin kaya kailangan pa ring mag-double time at mag-focus,” wika ni Valdez na aasa rin sa mainit na suporta nina Amy Ahomiro, Ella de Jesus, Bea de Leon, Julia Morado at Michelle Morente.

Lugmok man dahil na­wala ang pambatong si Ara Galang, ang pride ng La Salle ang siyang huhugutan ng lakas ng bawat manlalaro para mapigilan ang hangarin ng karibal.

Ang mga beteranang sina Mika Reyes, Cydthea­lee Demecillo, Desiree Cheng at Kim Fajardo ang magdadala habang solidong suporta ang handang ibigay ng mga baguhan tulad nina Mary Joy Baron at Christine Soyud upang ma­natiling palaban sa kampeonato.

“Sa rami ng nangyari sa amin, ngayon pa ba kami bibitaw? Kaya all-out na kami,” ani Demecillo.

Show comments