MANILA, Philippines – Sumandal ang Hope Christian High School kay MVP Justine Dorog sa pagwalis sa Colegio San Agustin Makati, 25-14, 25-16, 25-18, para makopo ang 17-Under Competitive Division crown ng Milo-sponsored Women’s Volleyball League (WVL) sa San Beda gym.
Nakatuwang ni Dorog sina Mae Angelina Basarte, hinirang na best setter, at Maria Lina Isabel Molde, kinilalang best spiker, sa pagrereyna sa event na inorganisa ng award winning na Best Center sa loob ng 19 taon.
Tinalo naman ng King’s Montessori School ang Holy Family School, 25-16, 25-14, para sa third place.
Ang championship matches ay sinaksihan nina Best Center founder Nic Jorge, dating national coach, dating national player Mozzy Ravena, Genevieve Casugod at Christine Agno ng Far Eastern U at ni Princess Gaiser ng UP na isang Best Center graduate at dating best libero ng WVL.
Binigo naman ng La Salle College of Antipolo ang St. Paul College-Makati, 25-18, 25-21, 25-16, para sa 17-Under Developmental Division title, habang napunta ang titulo ng 13-Under Competitive Division sa Colegio San Agustin-Makati matapos igupo ang Escuela de Sophia, 25-23, 21-25, 25-18.