Angat na angat sa laban, Ateneo lalapit sa titulo vs La Salle

La Salle star Mika Reyes, Ateneo star Alyssa Valdez

MANILA, Philippines – Lalapit ang Ateneo Lady Eagles sa isang hakbang tungo sa matagumpay na title defense sa pagharap sa karibal na La Salle Lady Spikers sa pagsisimula ng 77th UAAP women’s volleyball finals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Patok ang Lady Eagles na manaig sa Lady Spi­kers sa larong magsisimula sa ganap na alas-3:30 ng hapon dahil bukod sa pagkakaroon ng thrice-to-beat advantage ay napilayan pa ang katunggali nang nawala ang kamador na si Ara Galang.

Matatandaan na si Ga­lang ay dumanas ng left knee injury sa semifinals match kontra sa National University Lady Bulldogs na kanilang napagwagian.

Nakatakdang operahan si Galang at mawawala siya sa loob ng walong buwan.

“I believe we can do it,” wika ng Thai coach ng Ateneo na si Tai Bundit nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.

Napahinga ang Lady Eagles sa loob ng 21 araw dahil dumiretso agad sila sa Finals matapos ang 14-0 sweep sa double round elimination.

Pero isang linggo la­mang ang break na ibi­ni­gay ni Bundit bago isi­na­bak uli ang Ateneo sa matinding preparasyon na kinabila­nganan ng tune-up games laban sa club teams na Army, Petron at PLDT.

“Hindi ko alam kung may naka-16-0 na so we are going for the record,” wika ni Ateneo team ma­nager Tony Boy Liao na nasa Forum din tulad ni Emmanuel “Nong” Calanog, ang Office of Sports Development Executive Director ng La Salle.

Si Alyssa Valdez na namumuro na kilalanin uli bilang MVP ng liga, ang magdadala sa koponan pero naroroon ang suporta nina  Amy Ahomiro, Ella  de Jesus, Julia Morado at Bea de Leon.

Hindi naman papayag ang La Salle na sa madaling paraan maisakatuparan ng Ateneo ang plano dahil humahanap din si coach Ramil de Jesus ng tamang diskarte para maisalba ang hindi magandang  puwesto ng koponan.

“Matagal na sa volley­ball si coach Ramil at ma­raming alam iyan at may sikreto na ilalabas iyan,” may kumpiyansang pahayag ni Calanog.

Sina Mika Reyes, Cyd Demecillo at Kim Fajardo ang mga beteranang aasahan ng koponan ngunit dapat na may ilabas pa ang ibang players para mapunuan ang mahigit na 20 puntos na ibinibigay ni Galang.

May posibilidad na ang team captain na si Galang ay manood ng live at ang kanyang presensya ay posibleng maghatid ng dagdag enerhiya para makasilat ang Lady Archers at gawin best-of-three ang serye.

Show comments