MANILA, Philippines – Hindi puwedeng biruin ng mga datihang koponan ang bagong sali na San Sebastian-Liver Marin sa PBA D-League Foundation Cup na magsisimula na bukas sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang pride ng Baste bilang isang multi-titled team sa NCAA na sinuportahan pa ng Liver Marin na isa sa tinitingalang health product sa bansa ang magtitiyak na palaban ang mga ito.
Si Rodney Santos na isang multi-titled player sa collegiate, amateur at sa PBA, ang siyang uupo bilang head coach at kinuha niya ang serbisyo ng siyam na Stags players para balikatin ang kampanya ng koponan.
Ang mga graduate na sina Jovit dela Cruz, Leo de Vera at Bobby Balucanag ay sasamahan nina Bradwyn Guinto, Jamil Ortuoste, Mike Calisaan, Jerick Fabian, Ryan Costelo at Jeff Santos na may playing years pa sa NCAA.
Sina Dela Cruz, De Vega, Balucanag, Guinto at Ortuoste ay beterano na rin ng liga kaya’t hindi basta-basta matitinag ng koponan sa siyam na iba pang katunggali.
Sina 6’7 Joseph Ambohot, Jansen Rios, Choi Ignacio, MoyAbad at Jhygrus Laude ang kukumpleto sa manlalaro ng koponan.
“Noong January ako inilagay bilang interim coach ng San Sebastian matapos ang two years bilang assistant ni Topex Robinson kaya naipasok ko na rin ang sistema ko. Being a school-based team, mga bata ito pero hindi naman kulang sa experience dahil ang iba ay beterano na ng liga. I believe this is the next best players in the league and I assure you we will be there competing and doing our best in every game,” wika ni Santos.
Nagkaroon na sila ng tatlong tune-up games laban sa Tanduay Rhum Masters, Cafe France Bakers at Jose Rizal University Heavy Bombers at kahit natalo sila ay dikitan ang labanan na nagpapataas ng morale sa koponan.
Masusukat agad ang galing ng koponang suportado nina team owners Albert Chua, Arnold Vegafria at Richard Sy dahil sasalang sila sa unang laro laban sa AMA University Titans.
“Mas beterano sila sa amin pero nakikita ko na makakasabay kami at gut feel ko na mananalo kami,” buong pagtitiwalang winika ni Santos na makakasama sa bench sina Bal David, Banjo Calpito at Ronald Magtulis.