MANILA, Philippines – Nagbunga ang balanseng laro na ipinakita ng College of St. Benilde sa mga sports na pinaglabanan sa 90th NCAA season para mapagtagumpayan ang title defense sa overall championship.
Nagkampeon ang Benilde sa men’s table tennis at beach volley pero pumangalawa sila sa men’s at women’s swimming, men’s volleyball, women’s taekwondo at table tennis bukod sa pumangatlo sa chess, football, soft tennis at women’s volleyball.
May kaakibat na puntos ang ibinibigay sa bawat pagtatapos ng kasaling paaralan at ang unang tatlong pupuwesto ay mayroong 50, 40 at 35 puntos para makalikom ang St. Benilde ng 660 puntos.
Ito na rin ang pang-apat na overall crown ng Blazers matapos maka-back-to-back din noong 2007 at 2008.
Ang San Beda na kampeon sa basketball, winalis ang swimming at taekwondo bukod sa pangunguna sa women’s table tennis, football at soft tennis ay nagkaroon lamang ng 568.50 puntos para sa pangalawang puwesto.
Naghari naman ang San Beda sa high school sa kinulektang 400 puntos habang ang St. Benilde na pumangalawa sa 322.5 puntos.
Opisyal na magtatapos ngayon ang 90th season sa cheerleading competisyon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Aasintahin ng Perpetual Help Altas Perps Squad ang kanilang ikaanim na sunod na kampeonato at siyam sa 12 edisyon.
Mataas ang morale ng koponang hawak ni Randolph Rosario dahil pumangalawa sila sa National Cheerleading Championship noong nakaraang linggo.
“In behalf of the school, we wish our cheerleading team good luck and we want them to know that we’re proud of what they’ve done,” pahayag ng pangulo ng paaralan na si Anthony Tamayo.