MANILA, Philippines – Hindi lamang dapat ang Southeast Asian Games sa Singapore ang pagtuunan ng mga National Sports Associations (NSAs).
Ito ang sinabi ni PSC chairman Ricardo Garcia na ang tinutukoy ay ang mga magaganap na Olympic qualifying events dahil sa 2016 ay gagawin na ang Rio Games.
Idinagdag pa ni Garcia na hindi batid ng ahensya ang mga petsa ng Olympic qualifiers dahil teritoryo ito ng mga NSAs kaya’t hinihimok niya ang mga ito na tutukan din para mabigyan ng pagkakataon ang mga atleta na may tsansang pumasok at maaaring makapaghatid pa ng medalya.
“Dapat suriin nila ang mga Olympic qualifiers at tingnan din kung sino ang mga atleta na puwedeng mag-qualify. Mas maganda sana na ipadala ang mga atletang may chance na manalo ng medalya sa Rio Olympics pero sapat na ang makapag-qualify sila dahil malaking karangalan na ito sa isang bansa,” wika ni Garcia.
Taong 1996 nang huling nakatikim ng medalya ang Pilipinas nang kunin ni boxer Mansueto Velasco ang silver medal sa Atlanta Games.
Sa sumunod na apat na edisyon ay bokya na ang mga panlaban at kapansin-pansin din ang pagbaba ng bilang ng mga panlaban dahil noong 2012 London Games ay may 11 lamang ang nakapasa.
Noong 1932 sa Berlin ay walong atleta ang ipinadala na siyang huling pinakamaliit na bilang.
“Kaya nga humihingi kami sa mga NSAs ng list para malaman din namin ang kanilang mga qualifying events. Huwag nating sayangin kung meron tayong atleta na puwedeng mag-qualify,” ani Garcia.