MANILA, Philippines - Muling magsasagawa ng pagsusuri ang mga pangunahing sports officials ng bansa sa lugar na balak pagtayuan ng makabagong training center sa Clark, Pampanga.
Sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ang mga mangunguna sa hanay ng mga opisyales ng palakasan ng bansa na bibisitahin ang 50- ektaryang lupain na pag-aari ng Clark International Airport Corporation (CIAC) sa Lunes.
“This will be our final inspection before signing the Memorandum of Agreement,” ani Garcia.
Ang CIAC ay pinangungunahan ni Emigdio Tanjuatco III bilang President at CEO, at inalok niya ang PSC ng 25-taon kontrata na kung saan piso lamang kada taon ang kanilang ibabayad para magamit ito.
Puwede pa itong palawigin sa isa pang 25-year contract para masulit ang planong pagpapatayo ng makabagong training center.
Sisipatin uli ng mga sports officials ang lugar para madetermina ng tuluyan kung tunay bang walang magiging problema ang pagsasanay ng mga atleta.
Kapag nasagot ang mga katanungang ito ay inaasahang malalagdaan na ang MOA na ngayon ay ginagawa na ng CIAC.