ANTIPOLO CITY, Philippines --Sa individual race, lahat ay maaaring magtulungan at magbigayan.
Nakatuwang ang beteranong si Santy Barnachea ng Navy Standard Insurance matapos kumawala sa unang 40 kilometro ng karera, inangkin ni Baler Ravina ng 7-Eleven Roadbike Philippines ang 171.1-km Stage Three ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito sa Rizal Provincial Capitol.
Nagsumite ang tubong Asingan, Pangasinan ng bilis na apat na oras, 35 minuto at 46 segundo para angkinin ang lap kasunod sina Barnachea, John Paul Morales (Navy), John Ray Gabay (Negros), Irish Valenzuela (Army), Elmer Navarro (Cebu), Marvin Tapic (Army), Lloyd Lucien Reynante (Navy), Jhon Mark Camingao (Navy) at Lord Anthony Del Rosario (Mindanao).
Ang Stage Two winner namang si Ronald Oranza ay hindi nakasama sa Top 10.
“Talagang kami ang nagdala ni Santy kasi nasa kanya ‘yung overall. Sa akin lang nagdepende ako sa lap,” sabi ni Ravina, nanguna rin sa tatlong King of the Mountain (KOM) para isuot ang White Mitsubishi Polka Dot Jersey.
Napasakamay ngayon ng 38-anyos na si Barnachea, ang inaugural champion noong 2011, ang overall lead sa kanyang oras na 9:37:00 kasunod sina Stage One king George Oconer (9:45:00) at Cris Joven (9:45:29).
Samantala, bumandera si Morales sa dalawang intermediate sprint para kunin ang Blue Petron Jersey.
Tuluyan namang isinuko ni 2014 champion Reimon Lapaza ng Butuan City ang kanyang korona nang isakay sa ambulansya sa bahagi ng Tayabas, Quezon nang makaranas ng pagkahilo at pagsusuka dahil sa lagnat.
Pakakawalan ngayon ang 199-km Stage Four simula sa Malolos, Bulacan na dadaan sa Cabanatuan at magtatapos sa Tarlac Provincial Capitol.
Bukas ay hahataw ang 140-km Stage Five mula sa Tarlac Provincial Capitol at tatahakin ang Paniqui, Bayambang at magwawakas sa Dagupan City Plaza.