MANILA, Philippines – Kilala si Floyd Mayweather, Jr. bilang isang defensive fighter.
Hindi siya nakikipagsabayan sa kanyang kalaban kaya naman malinis at walang anumang malaking sugat ang kanyang mukha.
Ngunit alam na ni Manny Pacquiao ang kanyang gagawing paghahanda para sa kanilang mega showdown ni Mayweather sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Alam na alam ko na ‘yung gagawin ko sa training para sa style niya,” wika ng Filipino world-eight division champion, hindi umuurong sa mga bugbugan kung saan siya may 38 knockout victory kumpara sa 26 KOs ng American world five-division titlist, sa panayam ng ‘24 Oras’ kamakalawa ng gabi.
Huling nakapagpabagsak ng kalaban si Mayweather noong Setyembre 17, 2011 matapos ang kanyang ‘sucker punch’ kay Victor Ortiz sa fourth round ilang segundo matapos bawasan ng puntos ni referee Joe Cortez dahil sa headbutt.
Anim na beses namang pinatumba ni Pacquiao si 5-foot-11 Chris Algieri patungo sa kanyang unanimous decision win noong Nobyembre ng nakaraang taon.
“I think hindi ako mahihirapan dahil especially ‘yung preparation ko nu’ng last fight, similar dun sa gagawin ko for this fight,” sabi ni Pacquiao.
Idinagdag ni ‘Pacman’ na kaagad siyang magtutungo sa United States para magsanay sa Wildcard Gym ni chief trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.