STA. ROSA, Laguna, Philippines – Sisimulan ni Reimon Lapaza ng Butuan City ang pagtatanggol sa kanyang korona sa pagsisimula ng six-day championship round ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC.
“Alam kong sa akin nakatingin ang mga kalaban kaya itinuloy ko ang training ko matapos ang panalo ko last year,” sabi ni Lapaza.
Isang 60-kilometer criterium race Stage One ang nakalatag para sa halos 100 siklista ngayong umaga sa Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna kasunod ang 120.5-km Stage Two na magsisimula sa Calamba, Laguna at matatapos sa Quezon National Park o “Tatlong Eme” o “Bitukang Manok” sa Atimonan, Quezon kinahapunan.
Bukas ay mag-uunahan ang mga riders, kabibilangan nina Mark Galedo, Navyman Ronald Oranza, nagkampeon sa Luzon qualifying, at 7-Eleven rider Boots Ryan Cayubit, naghari sa Visayas leg, ang national team at isang composite European squad sa 171.1-km Stage Three na ikinukunsiderang pinakamahaba at pinakamahirap na ruta, ang haharapin ng mga siklista sa Lucena, Quezon at sa Rizal.
“Siguro open race ito na kahit sino puwedeng manalo,” ani Galedo, tinalo ni Lapaza para sa Ronda crown noong nakaraang taon.