Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
10 a.m. UP vs La Salle (M)
2 p.m. FEU vs UE (M)
4 p.m. UP vs NU (W)
MANILA, Philippines – Binawi ng FEU Lady Tamaraws ang pagkatalo sa unang pagkikita sa Adamson Lady Falcons sa pamamagitan ng 25-20, 25-21, 25-18, upang patalsikin na ito sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lumabas ang pagiging beterana ng setter na si Yna Louise Papa at kinumpleto naman nina Bernadeth Pons, Remy Joy Palma at Geneveve Casugod ang mga set sa kanila upang makahirit ng playoff ang FEU para sa ikaapat at huling upuan sa semifinals sa tinapos na 6-8 baraha sa elimination.
Naunang nagdomina ang Adamson sa FEU sa first round sa pamamagitan ng straight sets pero mas determinado ngayon ang Lady Tamaraws para maipaghiganti rin ang pagkatalo sa limang sets sa playoff ng dalawang koponan para sa huling upuan sa semifinals noong nakaraang taon.
Bago ito ay kinalos ng UST Tigresses ang UE Lady Warriors, 25-10, 25-22, 25-11, para selyuhan din ang playoff spot sa 6-8 baraha.
Puwede pang maging tatlo ang koponan na maglalaban-laban para sa huling upuan dahil sasalang ang UP Lady Maroons (5-8) laban sa semifinalist ng National University Lady Bulldogs sa pagtatapos ng double-round elimination ngayong hapon.
May 23 excellent sets si Papa bukod sa dalawang aces sa kanyang ikalawang sunod na pagiging starter uli sa koponan.
Sina Pons at Palma ay mayroong tig-12 puntos habang si Casugod ay may 11 puntos pa.
Sina Pons at Casugud ay nagsanib sa 20 attack points habang may apat na blocks si Palma para pakinangin ang tagumpay.
May 11 puntos si Mylene Paat pero wala ang dating tikas na nakita sa Lady Falcons para matapos ang dalawang sunod na pagtapat sa Final Four sa ilalim ng pagmamando ni coach Sherwin Meneses.