MANILA, Philippines - Kung ano ang hindi nagawa ni Earl Scottie Thompson sa NCAA ay siya niyang naabot sa PBA D-League Aspirants’ Cup.
Ang itinanghal na MVP sa NCAA na si Thompson ang tumayong bida nang siya ang nanguna sa huling tatlong krusyal na plays para ibigay sa Hapee Fresh Fighters ang 93-91 overtime panalo laban sa Cagayan Rising Suns sa Game Two ng Finals sa punung-puno na Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Thompson na pamalit lamang sa star-studded team na ito, ay nagtala ng dalawang steals at isang mahalagang block kay Don Trollano bago tumunog ang final buzzer para maibangon ang Hapee mula sa 89-91 iskor at angkinin ang kanilang kauna-unahang basketball title matapos magpahinga sa loob ng limang taon.
Ito rin ang unang titulo ni Thompson at naibsan ang mga kabiguan na nangyari sa NCAA bitbit ang Perpe-tual Help na hanggang Final Four lamang ang pinakamataas na inabot.
Ang conference MVP na si Bobby Ray Parks Jr. ay nakapaglaro lamang sa loob ng dalawa’t-kalahating minuto sa first period bago inilabas na ng tuluyan dahil sa right shoulder injury.
“Ibinigay ko lang ang kaya ko at nag-pressure lang ako,” wika ni Thompson na mayroong 11 puntos bukod sa limang steals at isang block.
Nanguna para sa Hapee sina Garvo Lanete, Troy Rosario at Ola Adeogun sa kanilang 22, 20 at 19.
Ito naman ang pangalawang segunda puwestong pagtatapos ng Rising Suns at ininda nila ang dalawang magkadikit na inbound errors dahil naagaw ito ni Thompson.
Ang unang pasa ay galing kay Moala Tautuaa na nagresulta sa layup at ibalik sa Hapee ang 92-91 kalamangan.
Nakapag-steal uli si Thompson kay Alex Austria at kahit sablay ang dala-wang free throw ay naroroon si Ola Adeogun para sa offensive rebound tungo sa split sa 15-foot line para sa 93-91 bentahe sa huling 5.3 segundo.
Gumawa ng play ang Cagayan pero nawalan ng saysay ito dahil naging alisto si Thompson at binutata si Trollano habang pupukol ng 3-pointer.