Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. – NU vs Ateneo (Finals)
MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ng National University Bullpups ang mabigat na hamon na maidepensa ang UAAP juniors title sa pagbangga sa Ateneo Blue Eaglets sa The Arena sa San Juan City.
Galing ang Bullpups sa 61-45 pagdurog sa La Salle Zobel Junior Archers para tumaas ang kumpiyansa papasok sa larong magsisimula sa alas-2 ng hapon.
Nadedehado ang nagdedepensang kampeon dahil ang Blue Eaglets ay nakitaan ng impresibong paglalaro sa double round elimination nang hindi sila natalo sa 14 laro.
Dahil sa ipinakita, ang Blue Eaglets ay may ‘thrice-to-beat’ advantage sa NU.
“Mas mahirap ang dadaanan namin pero mas masarap kung makukuha namin ito,” wika ni Bullpups coach Jeff Napa, nakakumpleto ng 16-0 sweep noong 2014.
Kung papalarin ang Bullpups ay makukumpleto nila ang pagwalis sa tatlong basketball titles na pinaglabanan sa Season 77 para maging ikalawang koponan pa lamang na nakagawa nito.
Ang UST ang unang naka-sweep sa men’s, women’s at juniors titles na nangyari noong 1994.
Dalawang beses na natalo ang NU sa Ateneo, 64-66 at 49-76, ngunit tiyak na gagawa ng adjustment ang koponan para mapanatiling matibay ang paghahangad ng kampeonato.
Sina Mark Dyke, Jordan Sta. Ana, Philip Manalang, Justine Baltazar at Vincent Claveria ang mga aasahan para balikatin ang laban ng Bullpups.
Hindi naman magpapabaya ang Blue Eaglets lalo pa’t dalawang laro na lamang ang pumapagitna para mabawi ang kampeonato na huling hinawakan noong 2010.
Inaasahang mangunguna sa koponan si Mike Nieto na tumipa ng 29 puntos sa ikalawang pagkikita ng Ateneo at NU.
Makakatulong ni Nieto na siyang gagawaran ng Most Valuble Player award, ang kakambal na si Matt Nieto bukod pa kina Lorenzo Mendoza, Lorenzo Joson at Shaun Ildefonso.