BACOLOD CITY, Philippines -- Pagdating sa akyatan ng bundok ay walang tatalo kay Marcelo Felipe ng 7-Eleven cycling team.
Gamit ang kanyang mountain-climbing skills, inangkin ng 25-anyos na si Felipe ang Stage Two sa Visayas qualifying leg ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito sa Negros Occidental capital.
Nanguna si Felipe sa tatlong KOM laps sa nasabing 156.6-kilometer stage para sa kanyang unang stage victory sa tiyempong 5 oras, 2 minuto at 12 segundo.
Tinalo niya ang kakamping si Boots Ryan Cayubit at ang 2014 Ronda champion na si Reimon Lapaza ng Butuan na nagrehistro ng mga oras na 5:04.25 at 5:08.08, ayon sa pagkakasunod.
“Masaya ako at nanalo ako ng stage sa unang pagkakataon dito sa Ronda Pilipinas,” ani Felipe, pumangatlo sa Tarlac stage noong 2012.
Dahil sa kanyang panalo, umangat si Felipe sa second overall mula sa pagiging 18th placer sa Dumaguete-Sipalay Stage One sa kanyang total time na 9:33.00 o tatlong minuto ang kalamangan kay Cayubit, naging No. 1 mula sa No. 5 sa kanyang aggregate clocking na 9:29.50.
Inangkin naman ni Cayubit ang overall lead matapos pumangalawa kay Felipe para makuha ang pulang LBC jersey para sa third at final stage.
“Hindi ko inaasahan na mangunguna ako, pero masaya ako na nandito ako ngayon,” sabi ni Cayubit, nadiskubre sa Ronda race noong 2011 nang kumakapanya pa para sa Warren Davadilla-led Metro Manila team.
Ginamit naman ni Lapaza, kuwalipikado nang sumabak sa championship round na nakatakda sa Pebrero 22-27 para igiya ang kanyang nakababatang kapatid na si Cesar.