Cagayan, Cebuana maglalaglagan sino ang haharap sa Hapee sa Finals?
Laro Ngayon
3 p.m. Cagayan vs Cebuana Lhuillier
MANILA, Philippines – Asahan ang mas pisikal na laro sa pagitan ng Cagayan Valley Rising Suns at Cebuana Lhuillier Gems na magtutuos sa huling pagkakataon sa PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-3 ng hapon itinakda ang ikaw-o-ako na tunggalian at ang mananalo ay siyang aabante sa Finals kontra sa Hapee Fresh Fighters.
Nakauna na ang nagbabalik na Hapee matapos walisin ang Café France Bakers sa kanilang best-of-three semifinals match-up.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Gems na sundan ang Hapee sa championship round pero mas determinado ang Rising Suns at inangkin ang 98-93 panalo noong Huwebes.
Ang mga di nakitaan ng gilas sa 85-89 pagkatalo sa Game One na sina top rookie pick Moala Tautuaa at Abel Galliguez ay pumutok sa ikalawang tunggalian at ang 6’7 center ay naglista ng 26 puntos at 13 rebounds habang ang Fil-Am guard ay naghatid ng 16 marka.
Binasag ni Galliguez ang huling tabla sa 83-all gamit ang isang triple bago naghatid ng walong puntos si Tautuaa sa mga sumunod na laro para matiyak ang panalo.
Umaasa si coach Alvin Pua na makakapagdomina uli si Tautuaa para mas tumibay ang kanilang laban.
“Si Tautuaa lang ang malaki namin na athletic at kailangan namin siya na magdomina,” wika ni Pua na hanap ang ikalawang pagtapak sa Finals.
Noong 2012 Aspirants’ Cup ay pumasok ang Cagayan sa Finals pero natalo sila ng NLEX Road Warriors sa 2-0 sweep.
Tiyak na naghanda rin ang Gems na maisantabi ang larong ipakikita ng katunggali at maulit ang nangyari sa koponan noong 2010 Foundation Cup nang nakapasok sila sa Finals pero natalo rin sa NLEX.
Aasa si Gems coach David Zamar na gagana ang kamay ng kanyang mga guards na siyang nangyari noong nagwagi sila sa unang tagisan.
Ang Fil-Am na si Simon Enciso na matapos gumawa ng 22 puntos sa Game One ay nagtala lamang ng anim sa ikalawang labanan, ay makikipagsanib-puwersa kina Allan Mangahas, Clark Bautista at Paul Zamar.
Dapat din na manumbalik ang gilas ng mga malalaking manlalaro para maposasan si Tautuaa. (AT)
- Latest