100 siklista papadyak sa Ronda Visayas leg
MANILA, Philippines – Tinatatayang nasa 100 ang siklista ang magbubukas sa Visayas elimination ng 2015 Ronda Pilipinas bukas sa Dumaguete City.
“We’re expecting a hundred, probably more, to participate in the Visayas qualifier,” wika ni Ronda executive director Mou Chulani.
Dalawang karera ang bubuo sa Visayas elimination na tutukoy ng 50 elite riders at apat na junior cyclists na sasali sa Championship round sa karerang handog ng LBC.
Ang Stage One bukas ay isang 172.7-km mula Dumaguete hanggang Sipalay bago sundan ng isang 157.8-km karera na Bacolod-Bacolod Stage Two.
Ang Stage Three sa Biyernes ay para sa mga siklistang mula Mindanao matapos makansela ang dapat ay dalawang araw na qualifying dahil sa seguridad.
Inilagay ang Mindanao qualifier mula Bacolod hanggang Cadiz.
Ang mga siklista mula Mindanao ay libreng dadalhin ng organizers mula Dipolog hanggang Dumaguete sa Pebrero 10.
Si Dutch Martin Bruin, ang Ronda chief president at head commissaire ay nasa Dumaguete na bukod sa iba pang opisyales na bubuo sa 150-katao na mangangasiwa sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation at ng Smart.
Matapos ang Visayas elims, lilipat ang qualifying sa Luzon mula Pebrero 16 at 17 para makakuha ng 34 siklista, 30 rito elite, na aabante sa Championship round mula Pebrero 22 hanggang 27.
Naisagawa ang karerang ito sa tulong ng Petron at Mitsubishi habang nagbigay din ng ayuda ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang mga media partners.
- Latest