Green ibinangon ang Warriors, Knicks pinataob
NEW YORK — Humakot si Draymond Green ng 20 points at 13 rebounds para pamunuan ang Golden State Warriors sa 106-92 paggiba sa Knicks at ibigay kay Steve Kerr ang unang panalo nito bilang head coach sa arena na tinawag niyang tahanan.
Umiskor si Stephen Curry ng 22 points at may 16 si Klay Thompson para sa Warriors na mas pinili ni Kerr na gabayan bilang head coach kesa sa Knicks.
Tumipa naman si Langston Galloway ng 15 points sa panig ng Knicks, ipinahinga si Carmelo Anthony at nalasap ang kanilang pangatlong sunod na kabiguan.
Sumasakit ang kaliwang tuhod ng All-Star forward matapos ang dalawang magkasunod na laro ng New York.
Ibinaon ng Warriors ang Knicks ng 26 puntos bago ito napababa sa lima sa fourth quarter.
Ang three-point shot ni Curry ang muling naglayo sa Golden State patungo sa kanilang panalo sa New York.
Si Kerr ang ikinunsiderang leading candidate para maging coach ng Knicks na kinuha si Phil Jackson bilang team president noong March.
Nagkausap sina Jackson at Kerr na nagsabing mas gusto niyang pangunahan ang Warriors na sumibak kay Mark Jackson.
“It was difficult because I’m very, very close with him and I feel like I’m indebted to him for much of what’s transpired in my career,” wika ni Kerr.
Itinaas ng Golden State ang kanilang record sa 40-9 para banderahan ang Western Conference, habang bitbit ng Knicks ang 10-41.
Nagmula ang Warriors sa 124-116 kabiguan sa NBA-leading Atlanta noong Biyernes.
Sa iba pang resulta, inilampaso ng Chicago ang Anthony Davis-less New Orleans, 107-72; pinatumba ng Washington ang Brooklyn, 114-77; giniba ng Philadelphia ang Charlotte, 89-81; tinalo ng Dallas ang Portland, 111-101; inungusan ng Milwaukee ang Boston, 96-93; at ginitla ng Utah ang Sacramento, 102-90.
- Latest