MANILA, Philippines – Makikipagtambal uli ang Ronda Pilipinas 2015 na handog ng LBC sa TV5 bilang kanilang opisyal na television partner.
Ito ang ikalawang sunod na taon na magtatambal ang dalawang ito sa hangaring mas maipaabot sa malalayong lugar ang takbo at kinalabasan ng karera na may basbas ng PhilCycling bukod sa suporta ng MVP Sports Foundation at Smart.
“It is our honor to have them on board for the second year in a row,” wika ni Moe Chulan, ang Ronda executive director.
Sa pakikipag-usap sa mga TV5 Sports at Digital5 head Chot Reyes at Sports Manager Vitto Lazatin, ang mga highlights ng Visayas at Luzon qualifying ay maipapalabas sa ere.
Ang Visayas qualifier mula Pebrero 11 hanggang 13 na magsisimula sa Dumaguete at magtatapos sa Cadiz ay mapapanood sa Pebrero 15 sa ganap na alas-11:45 ng gabi habang ang Luzon leg na gagawin sa Tarlac hanggang Antipolo mula Pebrero 16 at 17 ay mapapanood sa Pebrero 18 sa kaparehong time slot.
Ang eksena sa Championship round, mula Pebrero 22 hanggang 27 ay mapapanood sa araw ng karera ngunit sa 11:45 ng gabi.
Ang mga nakatuon sa radio ay makakapakinig ng aktuwal na karera sa Sports Radio 918. Ito ang ikaapat na taon na ang Sports Radio ay katuwang ng Ronda Pilipinas na may ayuda pa ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX.