MANILA, Philippines – Nagpalabas ng P15 milyong pondo si Cagayan Valley Governor Alvaro Antonio para matiyak na magiging makulay at makasaysayan ang kauna-unahang hosting ng nasasakupan sa Schools, Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) National Olympics.
Ang Cagayan Sports Complex sa Tuguegarao City ang siyang main venue sa pinakamalaking kompetisyon sa palakasan sa hanay ng mga Colleges at Universities sa buong bansa at ito ay gagawin mula ngayon (Pebrero 8) hanggang Pebrero 13.
“This is the first time that we are hosting the SCUAA National Olympics and this is the start of something big for our sports development program. That is why we are doing our best to make sure that this edition will be memorable if not best staged SCUAA,” wika ni Antonio.
Katulong niya sa hangad na matagumpay na hosting si Tuguegarao City Mayor Engelbert Caronan at host school Cagayan State University (CSU) president Dr. Romeo R. Quilang.
Ang parada ng mga sasaling atleta mula sa paaralan sa 16 rehiyon ang unang gagawin sa ganap na alas-7 ng umaga at sila ay tutungo sa Complex para sa seremonya.
Inimbitahan bilang panauhing pandangal si Vice President Jejomar Binay at siya ay ipakikilala ni Antonio.
Si Dr. Ricardo Rotoras na National President ng Philippine Association of Schools, Colleges and Universities (PASUC) na siyang nagpapatakbo sa SCUAA, ang siyang mangunguna sa pagtataas ng mga bandila ng PASUC at ng SCUAA banner.
May 14 sports disciplines ang paglalabanan sa taong ito pero ang unang ginto ay manggagaling sa Dance Sports na gagawin dakong alas-3 ng hapon sa People’s Gymnasium.