Blue Dragons kampeon sa MMBL
MANILA, Philippines - Inilampaso ng Chiang Kai Shek College ang San Beda Red Cubs, 101-76, para angkinin ang Division 1 title ng 32nd Metro Manila Basketball League sa SBC gym sa Mendiola.
Bumandera ang CKSC mula umpisa hanggang katapusan para kunin ang korona at paghandaan ang pagdedepensa sa kanilang Seaoil NBTC-SBP National High School title.
Magsisimula ang National High School Championship, may basbas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, sa March 5-8 sa Meralco gym at sa Ynares Sports Arena tampok ang 18 schools, ang 14 dito ay mula sa probinsya at ang 4 ay galing sa National Capital Region (MMBL).
Ang National Basketball Training Center (NBTC) ay duly-recognized grassroots program ng SBP na naglalayong makadiskubre at mapahusay ang mga male student-athletes.
Sa iba pang MMBL championship games, tinalo ng San Beda Mendiola-B ang National University-A, 85-76, para pagharian ang Division II; giniba ng Colegio San Benildo Rizal ang Manila Patriotic School, 85-81, para ibulsa ang Division III; pinabagsak ng La Salle College Antipolo ang National U-B, 77-63, para mamahala sa Division IV; at binigo ng Chiang Kai Shek College ang La Salle College Antipolo, 66-50, sa MMBL Girls Championship.
Umabante ang CKSC Blue Dragons, SBC Mendiola-A, SBC Mendiola-B at ang National U-A sa Seaoil NBTC National High School Championship.
- Latest