MANILA, Philippines - Kagaya ng inaasahan, pinagkaguluhan si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ng ilang US lawmakers sa kanyang pagbisita sa Washington para sa National Prayer Breakfast.
Kabilang sa mga dinalaw ni Pacquiao ay ang opisina nina Rep. Janice Hahn ng California at Senate Democratic leader Harry Reid ng Nevada.
Si Reid ay naging kaibigan ni Pacquiao sa pamamagitan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Sa kanyang Twitter account na @SenatorReid ay ipinakita ni Reid kay Pacquiao ang kanyang sugat matapos ang isang exercise accident noong Bagong Taon.
Ilang araw matapos ang naturang aksidente ay naglabas si Reid ng isang video kung saan niya inihambing ang kanyang mga injuries sa tila pakikipag-spar kay Pacquiao.
“I didn’t get this black eye by sparring with Manny, by challenging Floyd Mayweather,” wika ni Reid. “I didn’t go bull riding. I wasn’t riding a motorcycle. I was exercising in my new home.”
Hindi rin pinaligtas ni Reid, isang dating boksingero, ang pagkakataon na tanungin si Pacquiao kaugnay sa laban nito kay Floyd Mayweather Jr.
“Explained my injury to @MannyPacquiao. He also told me he’s ready to fight @FloydMayweather. Let’s make it happen,” sabi ni Reid sa kanyang Twitter account.
Matapos na personal na makipag-usap si Floyd kay Pacquiao sa hotel suite nito sa Miami ay wala nang narinig pa mula sa dalawang boksingero ukol sa kanilang itinakdang laban sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.