Mahigpit ang labanan sa Ronda Visayas leg
MANILA, Philippines – May 50 slots sa elite at apat sa junior riders ang paglalabanan sa tatlong yugtong Visayas Qualifying leg ng 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.
Idinagdag pa ni Ronda administration director Jack Yabut na may 30 elite at apat na junior riders ang paglalabanan sa Luzon qualifying (Pebrero 16 at 17) para makabuo ng mga panlabang siklista sa Championship round na isang 8-stage competition mula Pebrero 22 hanggang 27.
Mangunguna sa mga magtatangka sa individual title at P1 milyong premyo ang nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza ng Butuan at ang siyam-kataong national cycling team sa pangunguna ni Mark Galedo.
Kasali rin ang isang composite European team para patingkarin ang tagisan. Ang mga dayuhan ay puwedeng manalo sa bawat stage pero hindi sila kasali sa overall individual race.
Ginawang tatlong araw ang Visayas qualifying dahil kinansela ang Mindanao qualifying dahil sa seguridad.
“We will ferry aspiring Mindanao riders with their bikes from Dipolog to Dumaguete for free,” wika ni Ronda Pilipinas Executive Director Moe Chulani.
Sisimulan ang Visayas elimination sa pamamagitan ng Negros Oriental hanggang Sipalay City na Stage One. Susundan ito ng karera sa Bacolod City-Bacolod City habang ang ikatlo at huling stage ay Negros Occidental hanggang Cadiz City.
Halagang P1,000.00 ang entry fee ng mga sasali pero kasama na rito ang isang gabing pananatili sa hotel at pagkain sa karera.
Maisasagawa ang Ronda Pilipinas dahil sa tulong ng MVP Sports Foundation, Maynilad, NLEX, Standard Insurance, Petron, Greedfield City at Radio1 Solutions at ito ay may basbas ng PhilCycling.
- Latest