MANILA, Philippines – Kailangang bilisan ng mga National Sports Associations (NSAs) ang pagkumpleto sa mga dokumento na kailangan ng COA para mabigyan sila ng tulong-pinansyal ng Philippine Sports Commission (PSC).
Tiniyak ni PSC chairman Ricardo Garcia na ipapairal niya ang walang financial assistants sa mga NSAs na hindi makakasunod kahit ang bansa ay naghahanda para sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo.
“Wala kaming magagawa kungdi sundin ang kautusan na ito ng Commission on Audit (COA) dahil kami ang mananagot kung susuwayin ito. Sa Martes ay may board meeting ang PSC at sana sa Lunes ay marami na ang makapagsumite ng dokumento para maaksyunan ang kanilang financial requests,” wika ni Garcia.
Kahit ang POC ay suportado ang aksyon na puwedeng gawin ng PSC sa mga NSAs na hindi makakatugon.
“Wala tayong magagawa dahil government regulation ito. Kung hindi sila makakasunod, hindi sila makakakuha ng financial assistance para sa kanilang training,” pahayag ni POC treasurer at SEAG Chief of Mission Julian Camacho.
Aminado si Camacho kahit ang inaanibang Wushu Federation of the Philippines (WFP) ay hindi pa kumpleto ang mga dokumento na kailangan pero ginagawan na nila ng paraan upang hindi mabalam ang paghahanda ng kanilang mga atleta.
Mahalaga ang suportang ibibigay ng PSC sa NSAs dahil hanap ng Pilipinas ang bumangon mula sa pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng biennial meet na ikapitong puwesto noong 2013 sa Myanmar.