MANILA, Philippines – Nakatakdang bigyan ng special award ang isang junior tennis tournament na idinadaos sa bansa sa nakalipas na 25 taon mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA).
Iluklok ng pinakamatandang media organization sa bansa ang Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championship sa Hall of Fame sa Annual Awards Night na inihahandog ng MILO at San Miguel Corp. sa Feb. 16.
Sa higit sa dalawang dekada, ang nasabing annual netfest ang nagsisilbing ‘breeding ground’ ng mga pinakamagagaling na tennis players at may basbas ng International Tennis Federation (ITF).
Ang pinakahuli nitong torneo ay noong nakaraang taon.
Kabilang sina dating World No. 1 Andy Roddick at Lleyton Hewitt at si world doubles champion Leander Paes sa mga pamosong netters na minsang sumabak sa Mitsubishi Lancer tilt, habang ang mga locals na nagkampeon ay sina Francesca La’o, Jennifer Saret at Maricris Fernandez.
Ang netfest ay ikinukunsiderang Grade One tournament ng ITF na nangangahulugan na ang antas ng kompetisyon ay mataas at mabigat.
Ang mga personalidad na nauna nang iniluklok sa Hall of Fame ng PSA sa annual awards night na itinataguyod ng Smart, MVP Sports Foundation, at Meralco bilang principal sponsors kasama ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor ay sina boxing icon Manny Pacquiao, bowlers Paeng Nepomuceno at Bong Coo, basketball greats Caloy Loyzaga at Lauro Mumar, pro boxers Pancho Villa at Gabriel “Flash” Elorde, amateur boxer Mansueto “Onyok” Velasco, track stars Lydia De Vega at Mona Sulaiman, swimmer Teofilo Yldefonso, tennis player Felicisimo Ampon, Asia’s first Grandmaster Eugene Torre at golfers Ben Arda at Celestino Tugot.