Alapag itinalaga sa FIBA Players’ Commission

Jimmy Alapag

MANILA, Philippines – Hindi maglalaro si Jimmy Alapag para kay Vlade Divac, ngunit kasama na ang retiradong Talk ‘N Text star sa FIBA team na pinamumunuan ng Serbian at NBA great.

Ilang buwan matapos  hirangin ng International Basketball Federation si Samahang Basketbol ng Pilipinas president  Manny V. Pangilinan sa FIBA Central Board ay  iniluklok naman ni secretary-general Patrick Baumann si Alapag sa Players’ Commission sa ilalim ni Divac para sa terminong 2014 hanggang 2019.

Sa Jan. 23 letter kina Pangilinan at SBP executive director Sonny Barrios, sinabi ni Baumann, nakatakdang dumating bukas para sa ocular inspection ng FIBA Evaluation Commission sa mga venues na maaaring gamitin sa 2019 FIBA World Cup, na umaasa silang magkakaroon ng magandang kooperasyon kay Alapag.

Ang kopya  ay ibinigay kay Divac, ang Players’ Commission chairman, at kina FIBA Asia president Sheikh Saud Bin Ali Al-Thani, FIBA Asia secretary-general Hagop Khajirian at National Federations and Sports Director Zoran Radovic.

Binuo ang Players’ Commission noong Agosto sa Seville, Madrid bago ang FIBA Basketball World Cup.

‘To study issues relating to players of all age groups, propose to the Central Board measures deemed necessary to improve the conditions of players, make recommendations on practices or activities likely to be affecting the interests of players, and provide feedback on and advice on possible improvements to the various competitions of FIBA,” nakasaad sa trabaho nito sa FIBA.

Si Divac, ang presidente ng Serbian Olympic Committee, bunga ng kanyang pagkakahirang sa Players’ Commission ay awtomatikong miyembro ng FIBA Central Board.

Bukod kay Alapag, ang apat pang Filipino na magsisilbi ng five-year term sa world governing body para sa amateur basketball ay sina orthopedic surgeon Dr. Raul Canlas (FIBA Medical Commission) at SBP consultant Atty. Edgar Francisco (FIBA Legal Commission).

Inihalal si Pangilinan sa 26-man Central Board, pinamamahalaan ni Argentinian Horatio Muratore, matapos ang three-hour meeting noong Setyembre sa Madrid sa kasagsagan ng World Cup kung saan nagpasikat si Alapag laban sa Greece, Croatia, Argentina, Puerto Rico at Senegal.

Show comments