Ming Ramos nag-resign sa PBA
MANILA, Philippines – Nagbitiw si dating First Lady at long time badminton president Amelita “Ming” Ramos bilang chairman emeritus ng Philippine Badminton Association (PBA) dahil sa kanyang mabigat na iskedyul.
Ito ang inihayag ng badminton governing body.
Unang nagsilbi si Ramos bilang PBA president noong 1996 bago bumaba sa puwesto at naging honorary chairman noong 2011 election na nagluklok kay Philippines Vice-President Jejomar Binay bilang pangulo.
Ang PBA ay kasalukuyang ginagabayan nina chairman Manny V. Pangilinan ng Philippine Long Distance Telecommunication Company/SMART, at Secretary-General Negros Occidental Congressman Albee Benitez.
“We, the entire badminton community and the PBA, would like to thank former First Lady Mrs. Ming Ramos for her valuable contributions to the badminton community and to the national team since 1996,” sabi ni Benitez sa isang statement.
Sa kanyang termino bilang presidente ay tinutukan ng 87-anyos na si Ramos ang kanilang grassroots development program at ang promosyon ng badminton sa buong bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga badminton courts bukod pa sa pagdaraos ng mga badminton clinics.
Noong nakaraang taon ay ipinangalan ng PBA kay Ramos ang national junior three-leg tournament na Sun Cellular-Ming Ramos National Juniors Badminton tournament na idinaos sa Manila (Luzon), Cebu (Visayas) at sa General Santos (Mindanao). Ang National Finals ay idinaos noong Disyembre sa SM North Edsa sa Quezon City.
- Latest