MANILA, Philippines - Muling napatunayan na kayang manalo ng titulo ang isang koponan na nakikitaan ng teamwork sa malalaking kompetisyon tulad sa 90th NCAA women’s volleyball.
Nakopo ng Arellano Lady Chiefs ang kanilang kauna-unahang kampeonato matapos ang anim na taong pagsali sa pinakamatandang collegiate league sa bansa nang walisin ang multi-titled San Sebastian Lady Stags na nagwakas noong Biyernes sa The Arena sa San Juan City.
Masasabing walang dominanteng manlalaro ang tropang hawak ni coach Obet Javier pero sinandalan nila ang magandang pagtutulungan nina Danna Henson, Menchie Tubiera, Cristine Joy Rosario at team captain Rialen Sante para makabangon buhat sa kabiguang inabot noong nakaraang taon sa Perpetual Help Lady Altas sa championship round.
“Walang Arellano players sa binigyan ng individual awards dahil sa team na ito, lahat ay involved. Dapat lahat makakatulong sa opensa man o sa depensa,” wika ni Javier.
Si Tubiera ang siyang lumabas bilang number one scorer ng koponan sa championship series sa naitalang 31 hits para sa 15.5 average pero naroroon ang suporta nina Henson, Rosario at Rialen na gumawa ng 25, 22 at 17 hits matapos ang dalawang laro.
Sa kabuuan ng serye ay namayagpag ang mga Lady Chiefs spikers sa attack points, 83-69, at dinomina rin ang depensa sa 16-5 bentahe sa blocks. Nagtabla ang magkabilang koponan sa service aces sa tig-12.
“The whole Arellano University community is proud of the accomplishment of the team. This is the start of something bigger for us,” wika ni Peter Cayco, ang Management Committee representative sa liga.
Ang women’s volleyball title ang ikalawang titulo sa 90th season ng Arellano matapos pagharian ang seniors chess sa first semester. Ito na rin ang ikatlong title na napanalunan ng koponan mula sumali noong 2009 dahil nagkampeon na ang men’s beach volley team noong 2010 at 2011 seasons. (AT)