MANILA, Philippines - Ilang araw nang ipinagkakalat ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na may nakahanda nang fight contract para sa bakbakan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM sa Las Vegas, Nevada.
Ngunit sa kanyang Twitter account ay ikinagulat ni Showtime Sports Executive Vice President and General Manager Stephen Espinoza ang mga pahayag ni Arum.
“Signing what? No contract has been drafted yet. @foxynumerouno: Did Manny agree to Floyds terms? If yes, why isn’t Floyd signing?” sabi ni Espinoza.
Nauna nang inihayag ni Arum na pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyon ni Mayweather para matuloy na ang kanilang super fight.
Ito ay mula sa 40/60 purse split hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random blood at drug testing.
Sinabi ni Arum na ang pirma na lamang ni Mayweather ang kanilang hinihintay.
Para matuloy ang Pacquiao-Mayweather mega showdown ay dapat ding magkasundo ang Showtime/CBS at ang HBO.
Si Pacquiao ay lumalaban sa ilalim ng HBO, habang nasa bakuran ng Showtime/CBS si Mayweather.
Ginamit ng 36-anyos na si Pacquiao ang social media para hikayatin ang 37-anyos na si Mayweather na tanggapin ang kanyang hamon.
Sa isang panayam ay sinisi ni Mayweather si Arum kaugnay sa naaantalang negosasyon para sa kanilang suntukan ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.
Sinabi ng American world five-division titlist na habang si Arum ang promoter ni Pacquiao ay mahihirapang maplantsa ang kanilang laban.
“I’ve been saying this for a long time. He has no say because he fights for Top Rank Promotions. He’s not in a position to call the shots right now. He’s not the A-side,” sabi ni Mayweather kay Pacquiao.
Kung hindi na naman maitatakda ang kanilang banggaan ni Mayweather ay sinabi ni Pacquiao na malaki ang posibilidad na si Amir Khan, dati niyang sparmate, ang kanyang labanan.