MANILA, Philippines - Kinilala ng international football federation (FIFA) ang Rizal Memorial Football artificial pitch bilang isang ‘2-star’ standard.
Nakuha ni PSC chairman Ricardo Garcia ang plaque mula kay FIFA president Joseph Blatter kahapon ng umaga at inanunsyo ang positibong balita sa harap ng mga opisyales ng PSC at POC bukod ng mga kawani ng ahensya sa isinagawang 25th anibersaryo na ginawa sa PSC Badminton Hall.
“Nakuha ko ito kaninang umaga, declaring the Rizal Memorial football field at a ‘2-star’ standard field by the FIFA. Ang ‘2-star’ ang pinakamataas na standard na puwedeng ibigay ng IF at nangangahulugan ito na puwede nang magdaos ng mga FIFA sanctioned international events ang Pilipinas,” wika ni Garcia.
Noong huling bahagi ng 2013 sinimulan ang pagbabago sa makasaysayang football field at noong Hulyo ay binuksan na at ipinakita ang artificial turf na Limonta Max S60 na nagkakahalaga ng P19 milyon.
Sulit naman ang desisyon dahil matapos suriin ng mga opisyales ng FIFA at pumasa ito sa kanilang standard at kinategorya sa pinakamataas na hanay.
Idinagdag pa ni Garcia na ang bagay na ito ay patunay na tama ang tema ng selebrasyon na ‘On Track at 25.’
“Makakaasa kayo na ang administrasyong ito ay gagawin ang lahat ng makakakaya para ibangon ang antas ng sports sa bansa,” ani Garcia.
Isinagawa rin ang pagbibigay ng retirement benefits sa mga atleta base sa Incentives Act.
Ang mga ito ay sina Joan Tipon, Violito Payla, Harry Tañamor, Larry Semillano, Genebert Basadre, Joegin Ladon, Castro, Bill Vicera at Mitchel Martinez; billiards players Antonio Gabica at Antonio Lining; judoka John Baylon; gymnast Roel Ramirez; taekwondo jin Manel Sy Ycasas; marathoner Roy Vence at wushu artist Mary Jane Estimar.