MANILA, Philippines - Sa wakas ay matutupad na ang isa pa sa mga pinapangarap ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao -- ito ay ang makaharap ang isang miyembro ng Royal Family.
Mula sa United States ay magtutungo si Pacquiao, kasama ang asawang si Jinkee, sa London para makasalo sa isang hapunan si Prince Harry sa Buckingham Palace.
Ang pagbiyahe ni Pacquiao ay mula sa imbitasyon sa kanya ng Prinsipe.
Matapos ang hapunan kung saan maaari nilang makasama si Queen Elizabeth ay ipapasyal ni Prince Harry si Pacquiao sa loob ng Buckingham Palace.
Ito ang unang pagkakataon na makakapasok ang 36-anyos na Filipino boxing superstar sa nasabing kaharian.
Noong 2008 sa kanyang media tour para sa promosyon ng banggaan nila ni Ricky Hatton ay nasabik si Pacquiao matapos sabihin na ang kanyang tinutuluyang Park Lane hotel ay malapit lamang sa Buckingham Palace.
May mga bagay ding nagkakapareho sina Pacquiao at Prince Harry, anak ng namayapang si Princess Diana.
Ang 36-anyos na si Pacquiao at ang 30-anyos na si Prince Harry ay kapwa may military background.
Si Pacquiao ay lieutenant colonel sa Philippine Army Reserve at hinirang na honorary commodore sa Philippine Coast Guard, habang si Prince Harry ay kapitan sa British Army at napabalitang ipinadala sa Afghanistan para makipaglaban bukod pa sa pagtulong sa tropa sa Gurkha upang sagupain ang mga Taliban rebels.
Aktibo rin sa sports si Prince Harry sa kanyang paglalaro ng skiing, polo, motocross, football at rugby.
Hindi naitago ni Pacquiao ang paghanga sa mga Hari at Reyna.
Sa katunayan ay isinunod niya ang pangalan ng kanyang anak na si Queenie kay Queen Elizabeth.
Ang isa niyang anak na Princess ang pangalan ay halaw kay Princess Diana.