MANILA, Philippines - Isang three-year NBA veteran ang tunay na ipaparada ng nagdedepensang Purefoods para sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
Ayon kay head coach Tim Cone, si balik-import Marqus Blakely ang pansamantalang kukuha sa puwesto ni Daniel Orton habang hindi pa tapos ang kampanya ng Sichuan team sa Chinese Basketball Association.
Maaaring makalaro si Orton sa unang linggo ng Pebrero.
Gagamitin ng Hotshots si Blakely sa isang laro lamang sa mid-season tourney na bubuksan sa Enero 27 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bubuksan ng Purefoods ang pagtatanggol sa kanilang Commissioner’s Cup title laban sa Globalport sa Enero 30 sa Cuneta Astrodome.
Tinulungan ni Blakely na maipasok ang Hotshots sa tatlong sunod na Governor’s Cup finals kung saan dalawa ang nagresulta sa kanilang kampeonato.
Subalit sa taas lamang na 6-foot-4, inaasahang hindi mapapantayan ni Blakely ang lakas ng ilang seven-footers na matutunghayan sa second conference.
Ang Blackwater, Kia, NLEX at Barako Bull ang nabigyan ng karapatang humugot ng mga imports na may unlimited height para sa torneo.
Maaari namang makapaglaro kaagad si Orton sa Hotshots dahil hindi inaasahang makakapasok ang kanyang Sichuan team sa playoffs ng CBA.
Ang Blue Whales ay may 5-27 win-loss mark.
Naglaro siya sa tatlong NBA seasons para sa Orlando Magic, Oklahoma City Thunder at Philadelphia Sixers.
Nagposte si Orton ng mga averages na 2.8 points, 2.5 rebounds, 0.5 assist, 0.5 block at 0.4 steal.
Si Orton ay sinasabing isang 6-foot-10 center.
Sobra naman sa height limit si 6’10 Denzel Bowles.
Si Bowles ang gumiya sa Hotshots sa paghahari sa Governor’s Cup noong 2013 edition na nagpakita sa mga imports na may unlimited height.
Napanatili ng Purefoods ang korona sa tulong ni import James Mays.
Ang mga imports na paparada para sa darating na Commissioner’s Cup ay sina DJ Covington (Alaska), Solomon Alabi (Barako Bull), Michael Dunigan (Ginebra), Chris Charles (Blackwater), CJ Leslie (Globalport), Peter John Ramos (Kia), Al Thornton (NLEX), Rick Jackson (Rain or Shine) at balik-import Richard Howell (Talk ‘N Text).