MANILA, Philippines – Babangon ang La Salle Lady Archers mula sa paglasap ng unang pagkatalo, habang patutunayan ng UP Lady Maroons na palaban pa rin sila kahit wala na ang isang key player.
Katunggali ng Lady Archers ang FEU Lady Tamaraws na magsisimula matapos ang tagisan ng Lady Maroons at UE Lady Warriors ngayong alas-2 ng hapon sa 77th UAAP women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mauunang sasagupa ang mga koponan sa men’s division at ang nagdedepensang kampeong National University Bulldogs ay haharapin ang UP Maroons sa alas-8 ng umaga kasunod ang banggaan ng Adamson Falcons at La Salle Archers sa alas-10.
Parehong pakay ng NU at Adamson na manatili sa unahang puwesto kung maisusulong ang nangungunang 6-1 baraha.
Dumapa ang dating kampeong Lady Archers sa nagdedepensang Ateneo Lady Eagles sa pagtatapos ng first round elimination noong Enero 11 sa dikitang 22-25, 27-25, 25-16, 14-25, 9-15 iskor.
Siyam na araw na ang nakalipas at tiyak na naroroon muli ang sigla sa Lady Archers sa pamumuno ni Ara Galang upang maulit ang inangking 25-16, 21-25, 25-23, 25-22 panalo sa naunang pagtutuos nila ng Lady Tamaraws noong Disyembre 10.
Samantala, maglalaro ang Lady Maroons na hindi kasama si Katherine Bersola na nagkaroon ng ACL injury sa laban nila kontra Adamson Lady Falcons na kanilang napanalunan.
Naghahatid si Bersola ng 12 hits kada laro at dapat ay na itaas pa nina Angeli Pauline Araneta at Arianne Elise Ilustre ang ipakikitang laro para may makatuwang si Nicole Anne Tiamzon na nasa ikaapat na puwesto sa scoring tangan ang 116 total score o 16.6 hits average.
May 3-4 karta ang UP at kasalo ang FEU at Adamson.