MANILA, Philippines - Dalawang bagay ang nakamit ni Tim Cone sa isang season na naging dahilan para siya ay maging katangi-tangi sa ibang magagaling na coaches sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ang 57-gulang na head coach ang naging most accomplished mentor sa 40-taong kasaysayan ng kauna-unahang play-for-pay league sa Asya matapos niyang higitan ang record ng ‘Maestro’ na si Virgilio ‘Baby’ Dalupan.
Si Cone din ang naging tanging coach na nakapagtala ng dalawang PBA Grand Slam.
Ang achievement na ito ni Cone ay hindi maaaring balewalain ng Philippine Sportswriters Association (PSA) kaya bibigyan siya ng karangalang Excellence in Basketball sa Annual Awards Night ng PSA na handog ng Milo sa Pebrero 16.
Si Cone ay isa lamang sa mga awardees na nagpasikat noong nakaraang taon na kikilalanin ng pinakamatandang media organization ng bansa sa gabi ng parangal na susuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) bilang major partner katulong ang Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Globalport at Rain or Shine.
Ang 1973 Philippine men’s team na nanalo sa FIBA-Asia Men’s Championship ay pararangalan ng Lifetime Achievement Award.
“It’s only fitting for the PSA to recognize Tim Cone with the Excellence in Basketball honor following the outstanding achievement he did in a memorable PBA season,” sabi ni PSA president Jun Lomibao ng Business Mirror.