CHARLOTTE, N.C. --Sinabi ni Manu Ginobili na ang mga ganitong laro ang kanyang kailangan.
Nang mangailangan ang San Antonio Spurs ng mahahalagang puntos ay hindi sila nag-alangan na ibigay sa 13-year NBA veteran ang bola.
Kumamada si Ginobili ng 27 points mula sa 10-of-14 shooting para pagbidahan ang 98-93 panalo ng Spurs kontra sa Hornets.
“In the past few games I’ve had the opportunity to have the ball in my hands a lot of times,’’ sabi ni Ginobili. “Sometimes it is not that easy against very athletic teams. Today I made a couple of shots and made better decisions, so I am happy about it.’’
Nagdagdag si Danny Green ng 18 points, habang kumolekta si Tim Duncan ng 14 points at 10 rebounds para tulungan ang Spurs na tapusin ang five-game winning streak ng Hornets.
Ito ang pang-walong sunod na panalo ng Spurs laban sa Hornets.
Matapos makadikit ang Charlotte sa 85-86 sa huling apat na minuto ng fourth quarter, sumalaksak ang left-hander para sa kanyang high-banking shot.
Sinundan niya ito ng 3-pointer para sa six-point lead ng San Antonio.
Ang kanyang assist kay Tiago Splitter ang naglayo sa Spurs sa 93-85.
Sa Toronto, nagsalansan si Kyle Lowry ng 18 points at 12 assists, habang umiskor si DeMar DeRozan ng walo sa kanyang 20 points sa fourth quarter sa kanyang pagbabalik matapos ang groin injury para ihatid ang Raptors sa 100-84 pananaig sa Philadelphia 76ers.
Tumipa si Amir Johnson ng 10 points at season-high 16 rebounds, samantalang nagdagdag si Lou Williams ng 19 points kasunod ang 12 ni Jonas Valanciunas para sa ikaanim na sunod na panalo ng Toronto kontra sa Philadelphia.
Sa iba pang laro, nanalo ang Orlando Magic sa Houston Rockets, 120-113 at New Orleans Pelicans sa Detroit Pistons, 105-94.