Pacquiao pipirma na ng fight contract

MANILA, Philippines - Sa kanyang pagbiyahe sa United States ay isasabay ni Manny Pacquiao ang pakikipagkita kay Bob Arum ng Top Rank Promotions para pormal na pirmahan ang kanilang fight contract ni Floyd Mayweather, Jr.

Nagtungo ang 36-anyos na si Pacquiao sa US kamakalawa para makipagkita sa mga kandidata ng 2015 Miss Universe Pageant kung saan siya uupo bilang judge sa Enero 25 sa Florida.

Ayon kay Pacquiao, hihintayin muna niya ang sagot ni Mayweather bago siya magdaos ng official announcement para sa kanilang super fight sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“We will wait. We will wait to (make) the announcement at the right time,” sabi ni Pacquiao, ipo-promote din ang kanyang dokumentaryong ‘Manny’ sa New York at Los Angeles.

Naniniwala si Arum na pipirma rin ng fight contract si Mayweather.

“I don’t want to be antagonistic and say he’s not on board and not going to sign. The representation is that he is on board with this,” wika ni Arum kay Mayweather.

Kamakalawa ay inihayag ni Arum na pumayag na ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao sa mga detalye sa kanilang fight contract ni Mayweather.

Hindi nagreklamo si Pacquiao sa 40/60 purse split kung saan makakatanggap si Mayweather ng $120 milyon kumpara sa kanyang makukuhang $80 milyon.

Ang hinihintay na lamang nila ay ang sagot ng world five-division titlist na si Mayweather.

Alam naman ni chief trainer Freddie Roach ang dahilan kung bakit pinipilit ng Showtime na maplantsa ang laban nina Pacquiao at Mayweather.

Sinabi ni Roach na hindi na kayang malugi ng Showtime, nasa ilalim ng CBS, sa mga hindi tinangkilik na laban ni Mayweather noong nakaraang taon.

“I don’t know if Showtime can stand to lose more money. They’ve lost their asses off so far,” wika ni Roach sa panayam ng The Boxing Voice.com. (RC)

Show comments