MANILA, Philippines - Inokupahan ng Ateneo Eaglets ang playoff para sa mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four nang pabagsakin ang FEU-Diliman Tamaraws 78-52 sa 77th UAAP juniors basketball sa Blue Eagle Gym.
Si Matt Nieto ay mayroong 20 puntos habang ang kakambal na si Mike Nieto ay naglista 12 puntos, 14 rebounds, tatlong assists at dalawang steals para ibigay sa Ateneo ang ika-10 sunod na panalo.
Isang panalo na lamang ang kailangang dagitin ng Ateneo para magkaroon ng krusyal na bentahe sa semifinals.
Kung maipapanalo ng Eaglets ang lahat ng apat na laro, aabante na sila sa Finals at magkakaroon ng thrice-to-beat advantage sa makakalaban na magmumula sa step-ladder semifinals.
Tinapos din ng nagdedepensang kampeon National University Bullpups ang tatlong sunod na kabiguan gamit ang 50-37 panalo sa La Salle Zobel Greenies.
Si John Clemente ay may 11 puntos habang ang iba pang starters na sina Philip Manalang, Justine Baltazar, Jordan Sta, Ana at Mark Dyke ay nagsanib sa 24 puntos para magkaroon ang NU ng 7-3 baraha at manatili sa pangalawang puwesto.
Ang Baby Tamaraws ay bumaba sa 6-4 para makasalo ang La Salle sa ikatlo at apat na puwesto.
Sa iba pang laro, nanalo ang Adamson Baby Falcons sa UE Junior Warriors, 78-42, habang ang UST Tiger Cubs ay umani ng 61-55 panalo sa UPIS Junior Maroons.
Magkatabla pa rin ang Adamson at UST sa 5-5 habang ang UP ay bumaba sa 1-9 at ang host UE ay may 0-10 karta.
Samantala, tinalo ng nagdedepensang kampeon FEU Tamaraws ang Ateneo Eagles, 2-0, para tablahan sa unang puwesto ang pahingang UP Maroons sa men’s football na nilaro sa FEU Diliman pitch.
Sina Paolo Bugas at Arnel Amita ang umako ng dalawang goals para sa FEU sa first half bago sinandalan ang depensa para hindi makaiskor ang 2013 champion Ateneo.